MANILA, Philippines - Wala nang buhay nang matagpuan sa isang comfort room ng National Kidney and Transplant Institute ang isang ginang na pasyente matapos na magbigti gamit ang kanyang uniporme kahapon ng umaga sa Quezon City.
Kinilala ang biktima na si Emiliada Viado, 34, may-asawa, tubong Tacloban at residente sa 14 Lelan Drive St., Brgy. Balong Bato sa nasabing lungsod.
Ayon kay PO3 Joey Cortes, ng Quezon City Police District-Station 10 dakong alas-9 ng umaga nang ma tuklasan ng nurse na si Louise Abigael Bermundo ang katawan ng biktima na nakabitin sa towel bar ng comfort room sa 2nd floor sa Unit 2-A, room 2022 ng nasabing ospital na matatagpuan sa East Avenue, Brgy. Central.
Bago naganap ang insidente, sinabi ni Bermundo na nakita pa niya ang biktima sa loob ng CR nang magsagawa siya ng routine check-up kung saan nagpa-alam na maliligo. Nagpasya si Bermundo na balikan na lamang ang biktima.
Makalipas ang ilang minuto, muling bumalik si Bermundo sa kuwarto ng biktima ngunit nasa loob pa rin ito ng banyo kung kaya nagpasya na siyang katukin ito.
Subalit, makailang ulit na umanong kinakatok ng nurse ang pintuan ay hindi sumasagot ang biktima kung kaya napilitan na siyang buksan ito kung saan tumambad sa harapan niya ang huli habang nakabitin sa towel bar gamit ang robe na pinolupot saka itinali sa kanyang leeg.
Agad na humingi ng tulong si Bermundo sa ibang kasamahan at tinanggal sa pagkakabitin ang biktima saka tinangkang i-revive ito ngunit hindi na rin umubra pang maisalba.
Lumilitaw na Hulyo 7 nang i-admit sa naturang ospital ang biktima dahil sa sakit nitong cronic kidney diseases bukod pa sa pagkakaroon nito ng sakit na TB at inilagay sa TB ward isolation room.
Posible umanong hindi matanggap ng biktima ang kanyang mga sakit kung kaya’t winakasan na ang kanyang buhay.