MANILA, Philippines - Hinatulan ng reclusion perpetua ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang isa sa dalawang suspect na gumahasa at pumatay sa isang teller ng bangko noong 2004 sa Malate, Maynila.
Batay sa desisyon ni Judge Reynaldo Alhambra ng branch 53, si Philippe Marcelo ay hinatulang mabilanggo ng habambuhay matapos na mapatunayang gumahasa at pumatay kay Candice Castro, 23, bank teller sa Metrobank noong May 12, 2004.
Ang isa pang suspect at itinuturong mastermind na pinaghahanap pa ng pulisya ay nakilalang si Bienvenido “Bebs” Reyes, Jr. at sinasabing kamag-anak at pamilya ng isang opisyal ng Bureau of Immigration.
Sa desisyon ng korte, pinagbabayad din si Marcelo ng halos P4 milyon kabayaran sa nagastos at exemplary damages matapos mapatunayang sa naturang krimen.
Hindi naman makapagsalita ang ina ni Candice na si Grace Castro, bagama’t nakikita ang magkahalong tuwa at galit matapos ang promulgation.
Ayon naman kay Atty. Perpetou Lotilla, sapat naman ang naging hatol ng korte upang pagdusahan ni Marcelo ang kanyang karumal-dumal na ginawa bagama’t nakakawala pa si Reyes.
Ipinaliwanag ni Lotilla na sapat na ang mga ebidensiyang nakita sa sapatos at katawan ni Marcelo gayundin ang testimonya ng mga saksi.
Matatandaang si Candice ay natagpuang patay sa kanyang condo unit sa Malate Maynila na may 24 na saksak sa katawan.