4 timbog sa double dead na manok
MANILA, Philippines - Bagsak sa kulungan ang apat katao kabilang ang isang menor-de-edad na lalaki makaraang mahuli sa akto na nagdedeliber ng may 300 kilo ng “double dead” na manok sa pampublikong pamilihan ng Pasig City, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang mga nadakip na sina Abner Jesuitas, 40; 17-anyos na itinago sa pangalang Gener; Alberto Dayto, 61, driver; at Alquin Bautista, 18.
Sa ulat na ipinadala kay Eastern Police District director, Chief Supt. Francisco Manalo, unang dumulog sa Criminal Investigation Unit ang saksing si Alkid Pineda, 32, kung saan inulat nito ang nagaganap na pagbabagsak ng mga double dead na karne sa Pasig Mega Market.
Nagsagawa naman ng operasyon ang pulisya katuwang ang Pasig Meat Inspection Office dakong alas-6 ng gabi kung saan namataan ang nakaparadang Mazda van (PTD-428) sa Caruncho Avenue sa tapat ng palengke.
Nang sitahin, walang maipakitang “meat inspection permit” ang mga suspek at nang buksan ang van ay dito nadiskubre na naglalaman ng mga bulok na manok.
Tinatayang nasa 300 kilo ang nakumpiskang bulok na mga manok na mabaho na ang amoy at iba na ang kulay. Hawak na ang mga double dead na manok ng Pasig Meat Inspection Office upang hindi na kumalat pa sa pamilihan.
Nakaditine ang mga suspek sa EPD Annex detention cell kung saan nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Republic Act 7394 o “Consumer Act of the Philippines”.
- Latest
- Trending