MANILA, Philippines - Walang saplot na pang-ibaba nang makita ang bangkay ng isang babae na hinihinalang biktima ng rape na lumutang sa Pasig River, sakop ng Pandacan, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Ang biktima ay inilarawan na nasa edad na 18 hanggang 20, 5’1’’ ang taas, mahaba ang buhok, nakasuot ng bulaklaking blouse at walang suot pang-ibaba.
Sa ulat ni SPO2 Virgilio Martinez ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2 ng hapon nang madiskubreng nakalutang ang biktima sa ilog, bahagi ng Pandacan.
Isang lalaking naglilinis sa ilog ang nakatuklas sa lumulutang na katawan ng biktima sa nasasakupan ng 839 Zone 91, District 5 kaya agad niya itong ipinagbigay-alam sa Philippine Coast Guard (PCG) Pureza-Base.
Malaki ang hinala na ni-rape ang biktima bago pinatay at itinapon sa ilog.