Libu-libong pasahero na-stranded sa MRT, LRT
MANILA, Philippines - Libu-libong pasahero ng Metro Rail Transit 3 at Light Rail Transit Line 1 at Line 2 ang na-stranded sa kahabaan ng EDSA at Taft Avenue makaraang walang masakyang tren dahil sa pagkawala ng kuryente, kahapon ng umaga.
Nagdulot ng matinding pagsisikip sa trapiko sa may EDSA at Rizal Avenue sa Monumento, Caloocan City ang libong pasahero na regular na sumasakay ng LRT Line 1 (Balintawak-Baclaran) na umokupa sa ilang lanes ng kalsada sa pag-uunahan sa masasakyang bus.
Ganito rin ang naging sitwasyon sa ibang bahagi ng EDSA na siniserbisyuhan naman ng MRT 3, partikular na sa North Avenue sa Quezon City.
Sinabi ni LRTA Administrator Mel Robles na paralisado ang kanilang operasyon dahil sa damay sila sa ipinatupad na blackout ng Manila Electric Company (Meralco).
Sinamantala naman ng mga tauhan ng LRTA ang pagbibigay ng dag dag na “maintenance” sa kanilang mga train units at paglilinis sa mga riles habang walang operasyon.
Kinansela naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang number coding sa mga pribadong sasakyan na awtomatiko umano nilang ipinatutupad sa mga pagkakataong walang operasyon ang MRT at LRT.
- Latest
- Trending