Paslit patay sa sunog
MANILA, Philippines - Isang paslit ang nasawi matapos madaganan ng mga nasunog na kahoy at tuluyang ma-suffocate nang maiwan sa loob ng nasusunog na bahay, sa Sampaloc, Maynila kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Raissa Dellke, isang-taong gulang at residente ng #940 Baras St., Quezon Boulevard, Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ni C/Insp. Bonifacio Carta, ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-5:33 ng umaga nang magsimula ang sunog sa inuupahang bahay ng mag-live-in na sina Renz Generoso at Rachel Dellke, magulang ng biktima.
Ang nasabing bahay ay pag-aari ng isang Rodolfo Lindo.
Bago ang sunog, nagtalo umano ang mag-asawa hanggang sa umalis si Rachel at hindi nagtagal ay umalis din ng bahay si Renz, naiwan ang anak sa bahay.
Makaraan ang ilang minuto ay narinig na lamang ang pagsabog sa loob ng bahay ng mag-asawa kasunod ang pagliliyab nito na kumalat na rin sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials.
Dakong alas-6:35 nang ideklarang fire-out ang sunog na umabot sa 4th alarm. Nang nagsagawa ng inspeksiyon ang mga pamatay-sunog, natagpuan ang katawan ng biktima sa ikatlong palapag ng bahay kung saan nakatira ang mag-asawa. Nakadapa ito habang nadadaganan ng mga nagbagsakang sunog na kahoy.
Sinasabing isang naiwanang nakasaksak na water heater ang sanhi ng sunog sa bahay ng mag-asawa subalit patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon.
Mahaharap sa kaukulang kaso ang mag-asawa sakaling mapatunayang kapabayaan nila ang dahilan ng sunog.
- Latest
- Trending