MANILA, Philippines - Patay ang isang 36-anyos na lalaki na wanted sa kasong pagpatay makaraang sumambulat ang hawak nitong bomba, kamakalawa ng gabi sa Pasig City.
Nakilala ang nasawi na si Archival Comsti, 36, naninirahan sa Blumentritt Street, Brgy. Kapasigan, ng naturang lungsod.
Nasawi ito sa loob ng Rizal Medical Center dahil sa 3rd degree burn at pagkaputol ng dalawang kamay nito dahil sa pagsabog.
Sugatan rin naman ang pinsan ni Comsti na si Christopher Catura na nadamay sa pagsabog.
Sa ulat nng Pasig police, naganap ang pagsabog dakong alas-11:45 ng gabi sa may Calle Industria malapit sa kanto ng Blumentritt Street, Brgy. Kapasigan.
Ayon kay Catura, huli niyang nakita ang pinsang si Comsti na nakatayo at may hawak na cellphone sa loob ng Cruz Compound.
Nang makalagpas, dito sumambulat ang malakas na pag sabog kung saan nakita nito ang pinsan na duguang nakalugmok. Saka lamang rin niya napansin na sugatan rin siya dahil sa “impact” ng pagsabog.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Catura na tanging ang cellphone lamang na nakabalot umano ng electrical tape ang huling nakita niya na hawak ni Comsti na maaaring dahilan ng pagsabog.
Sa record naman ng pulisya, pinaghahanap ng pulisya si Comsti dahil sa naka-pending nitong warrant of arrest sa kasong pagpatay na inisyu ni Judge Amelia Manalastas ng Pasig City Regional Trial Court branch 263.