MANILA, Philippines - Nadakip ng mga tauhan ng Eastern Police District (EPD) ang isang dating pulis na sinasabing galamay ni “shabu tiangge operator” Amin Imam Boratong sa isang buy-bust operation sa Pasig City. Na kilala ang nadakip na si dating PO2 Ramil Along, 40, ng C. dela Paz St., Brgy. Caniogan, ng naturang lungsod.
Sa ulat na inilabas ni Sr. Insp. Dennis David, ng District Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group, isinailalim nila sa surveillance operation si Along at kasamahan na si alyas Mac-Mac mula pa noong Mayo makaraang mabatid na isa ang grupo nila sa humalili sa operasyon ng iligal na droga sa lungsod na pinamumunuan noon ni Boratong.
Isa naman nilang asset ang lumantad makaraang makipagkasundo sa pagbili ng mga pakete ng shabu sa mga suspek. Dito na naglunsad ng entrapment operation ang pulisya kung saan nadakip si Along sa Mercedez Avenue at Market Avenue sa Brgy. San Miguel habang nasa gitna ng transaksyon.
Bukod sa marked money at ibinentang sachet ng shabu, nakumpiska pa kay Along ang 11 pang pakete ng iligal na droga nang kapkapan ito ng mga pulis.
Matatandaan na natagpuan ang police uniform ni Along sa isang barung-barong sa shabu tiangge nang salakayin ito ng mga awtoridad noong 2006.
Kinilala naman ng testigo ng pamahalaan na si Samer Palao si Along at 21 pang pulis Pasig na nagbibigay ng proteksyon sa operasyon ni Boratong. Kinilala rin ni David si Along na nasa likod ng pagpaslang sa isang confidential agents, isang asset ng isang television network at maging mga tao nilang drug pusher na hindi nakapag-remit ng kanilang napagbentahan sa iligal na droga.