Riding in tandem patay sa askal

MANILA, Philippines - Kapwa nasawi ang da­lawang lalaking magka-angkas sa isang motorsiklo makaraang sumemplang sa kalsada nang masagasaan ang isang asong-kalye sa C-6 Road, Taguig City ka­hapon ng ma­daling-araw.             

Agad na nasawi dahil sa pagkabiyak ng mga bungo ang mga biktimang sina Lavisx Tolentino, 23, ng Purok 5 Lower Bicutan at Elvis Es­tellas, 17, residente rin ng na­turang lugar.             

Sa ulat ng Taguig Police Traffic Enforcement Unit, naganap ang krimen dakong ala-1:45 ng madaling-araw sa kahabaan ng C-6 Road sa Brgy. Lower Bicutan, ng na­turang lungsod. 

Nabatid na napakabilis ng pagpapatakbo ng motorsiklo (2365-TJ) ng mga biktima nang bumulaga sa kanila sa kalsada ang isang asong gala na kanilang nabundol.             

Dito nawalan ng kontrol ang nagmamaneho ng mo­tor­­siklo sanhi upang sumem­plang at tumalsik ang da­lawang lalaki na una ang ulo na naging dahilan ng ka­nilang agad na pagkasawi. 

Ayon sa saksing si Ricky Lopez, amoy alak umano ang dalawang biktima na posib­leng kapwa nakainom nang kanilang lapitan habang duguan nang nakatihaya sa lansangan. 

Wala rin umanong suot na helmet ang mga biktima sanhi ng pagkabasag ng kani-kanilang bungo.

Show comments