MANILA, Philippines - Patay ang isang 35-anyos na lalaki makaraang pagbabarilin ng isang security guard sa gitna ng kanilang pagtatalo makaraang paghinalaang magnanakaw ang biktima, kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Tadtad ng tama ng bala ng baril sa katawan ang biktimang si Ariel Magdayao, ng C-3 Road, Dagat-Dagatan, ng naturang lungsod.
Pinaghahanap naman ngayon ang suspect na si Romeo Escaran, guwardiya ng Malabon Longlife Corporation na nasa C-3 Road, ng naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat ng Caloocan police, naganap ang krimen dakong alas-7:30 ng umaga sa tapat ng naturang kumpanya. Nakatambay umano dito ang biktima nang sitahin ni Escaran sa pag-aakalang magnanakaw ito.
Nakipagtalo naman ang biktima sa guwardiya na humantong sa paghahamon. Dito na nagbunot ng baril si Escaran at sunud-sunod na pinaputukan ang biktima bago mabilis na tumakas.
Nanawagan naman ang pulisya kay Escaran na kusang-loob na sumuko upang maipagtanggol ang sarili at hindi na lumaki ang kaso nito.