MANILA, Philippines - Isang vendor ang namatay makaraang pagsasaksakin ng isang porter habang nasa kalagitnaan ng mainitang pagtatalo sa Balintawak Market sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Tatlong saksak sa katawan ang tumapos sa buhay ni Jun Maranan, 39, ng 127 Progreso St., Bagong Barrio, Caloocan City.
Hindi naman natukoy ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspect bagama’t sinasabing isa itong porter sa palengke na mabilis na tumakas makaraan ang krimen.
Ayon kay SPO3 Jun Mortel, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District, nangyari ang insidente sa harap ng North Diversion Market dakong alas-8 ng umaga. Kasalukuyang nagtitinda ang biktima nang biglang lapitan ng suspect at kinompronta sa hindi mabatid na kadahilanan.
Ang komprontasyon ay nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa biglang nagbunot ng patalim ang suspect at pagsasaksakin ang biktima sa mukha, dibdib at kamay.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, posible umanong may dati nang alitan ang biktima at suspect hanggang sa isagawa ng huli ang kanyang balak sa una.