Konsehal na nagbaklas ng inidoro, lababo, kakasuhan
MANILA, Philippines - Posibleng makasuhan ang mga konsehal na mapapatunayang nagbaklas ng mga gamit sa kanilang iniwang opisina matapos na matalo sa nakaraang eleksiyon.
Ito naman ang binigyan diin ni Majority floor leader at Manila 4th District Councilor Honey Lacuna kung saan sinabi nito na kailangan munang siyasatin kung sinu-sinong mga konsehal ang gumawa ng sapilitang pagbabaklas ng mga permanent fixture sa kanilang mga dating opisina.
Batay sa batas, ipinagbabawal ang pagtatanggal ng anumang permanent fixture.
Aniya, kailangan na may magreklamo upang may basehan sa isasagawang pagsisiyasat.
Ayon naman sa isang source sa city council, hindi naman makakakuha ng clearance ang mga konsehal na tumangay at nagbaklas ng mga permanent fixtures.
Bukod dito, sakaling mapatunayan ang kanilang pagkakasala hindi ibibigay ang kanilang terminal leave, huling sahod at allowance.
Matatandaan na nadismaya si Manila 3rd District Councilor Bernardito Ang nang makitang walang toilet bowl, lababo, pinto ng banyo at kisame ang kanyang opisina na Rm 461 at opisina ni dating konsehal Ivy Varona.
- Latest
- Trending