Estudyante, barangay pinaghahanda vs dengue
MANILA, Philippines - Pinaghahanda ni Acting Manila Mayor Isko Moreno ang lahat ng mga estudyante, school officials at barangay laban sa sakit na dengue na maaaring umatake kaugnay ng pagsisimula ng tag-ulan.
Ayon kay Moreno, kailangan na panatilihing malinis ang paligid ng paaralan at maging ng mga barangay upang maiwasan ang anumang uri ng sakit partikular ang dengue.
Sinabi ni Moreno na ang kanyang aksiyon ay bunsod na rin ng report na may mataas na insidente ng dengue sa isang barangay at eskuwelahan sa 3rd district.
Giit ni Moreno, kailangan na matukoy ng mga estudyante at mga barangay officials ang mga lugar na pinamumugaran at pinag-iitlugan ng mga lamok na nagtataglay ng dengue virus.
Paliwanag ni Moreno, kailangan lamang na panatilihing malinis ang lugar tulad na rin ng pagtatapon ng mga sirang gulong at basura upang maiwasan ang anu mang mga sakit na maaaring ikamatay ng isang tao.
Ang mga bata ang siya umanong madaling kapitan ng mga sakit na tulad nito kung kaya’t dapat lamang na malinis ang kanilang lugar na ginagalawan.
- Latest
- Trending