MANILA, Philippines - Isang tama ng bala sa dibdib ang tumapos sa buhay ng isang driver ng delivery truck ng yelo makaraang barilin ng isang lalake dahil sa alitan sa pekeng pera sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Dead-on-arrival sa ospital ang biktimang si Vincent Jimenea, 40, ng Block 10, Lot 39, Rodriguez Rizal.
Natukoy naman ang suspect sa alyas na “Jun” na ngayon ay tinutugis na ng awtoridad.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may Pinagkaisa St., San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa ganap na alas -5 ng umaga.
Bago ang insidente, kadideliber lamang ng yelo ng biktima kasama ang kanyang helper na si Archie Come sa isang sari-sari store at naglalakad patungo sa kanilang delivery van nang isang malakas na putok ng baril ang umalingawngaw mula dito.
Sa puntong ito, nabulabog ang dalawa hanggang sa magkanya-kanya ang mga itong magsipagtakbuhan para makatago.
Nang humupa ang gulo, nagpasya si Come na lumabas ng pinagtaguan hanggang sa mapuna niya ang grupo ng mga tao na tila may pinagkakaguluhan sa kalye.
Agad niya itong pinuntahan at doon niya nalaman na ang pinagkakaguluhan ng tao ay ang kanyang kasamang si Jimenea na nakahandusay at naliligo sa sarili nitong dugo.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, base sa testimonya ng bayaw ng biktima na si Restituto Benson, dalawang linggo ang nakakalipas ay nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang biktima at suspect patungkol sa pekeng pera na ipinalit umano ni Jimenea sa huli.
At dahil peke, pinababalik umano ng suspect sa biktima ang perang ipinalit nito sa kanya na pinalalagay na hindi nagawang maibigay ng huli kung kaya binuweltahan ito.
Gayunman, patuloy pa rin ang ginagawang pagsisiyasat sa nasabing insidente habang tinutugis ang nasabing suspect.