Number coding sa bus planong ibalik ng MMDA

MANILA, Philippines - Plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ibalik ang imple­mentasyon ng number coding sa mga pam­pasaherong bus upang ma­pa­luwag ang buhol-buhol na trapiko sa kahabaan ng EDSA at iba pang pangu­nahing kalsada.             

Sinabi ni Chairman Oscar Inocentes na napapanahon na ito dahil sa nalalapit na pagta­tapos ng pag-uugnay ng Metro Rail Transit 3 at Light Rail Transit Line 1 Extension na siyang tinatangkilik ng mga pasahero.

“Napansin namin na pakonti nang pakonti ang sumasakay sa mga bus. Pero napakarami pa ring bumibiyahe kahit wala na­mang laman kaya nakaka­dag­­dag lamang sa pagsisikip ng trapiko,” ani Inocentes sa pakiki­pagpulong sa mga “traffic district commanders” ng ahensya.            

Nais ni Inocentes na maba­wasan ang nasa higit 4,000 pam­pasaherong bus na nag­kakarerahan at nag-aagawan ng pasahero na dahilan rin ng mga aksidente.

Dati nang ipinatupad ng MMDA ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) noong 2004 ngunit binawi rin makaraang umapela kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang mga bus owners at operators.             

Sinabi naman ni Organized Bus Route chief, Antonio Pagu­layan na mabawasan lamang ng 20% mga bus ang mga kalsada ay malaking luwag na ang idudulot sa mga motorista.             

Inutos naman ni Inocentes sa Traffic Operations Center na bawasan ng higit 50% ang mga “VIP (very important persons) na binigyan nila ng exemption sa “number coding”. 

Ayon sa batas, tanging mga ambulansya, opisyal na sasak­yan ng pulis, military, trak ng bumbero, mga sasakyan ng pa­mahalaan, diplomatic, at mga may prangkisang school buses lamang ang exempted sa number coding.   

Show comments