Number coding sa bus planong ibalik ng MMDA
MANILA, Philippines - Plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ibalik ang implementasyon ng number coding sa mga pampasaherong bus upang mapaluwag ang buhol-buhol na trapiko sa kahabaan ng EDSA at iba pang pangunahing kalsada.
Sinabi ni Chairman Oscar Inocentes na napapanahon na ito dahil sa nalalapit na pagtatapos ng pag-uugnay ng Metro Rail Transit 3 at Light Rail Transit Line 1 Extension na siyang tinatangkilik ng mga pasahero.
“Napansin namin na pakonti nang pakonti ang sumasakay sa mga bus. Pero napakarami pa ring bumibiyahe kahit wala namang laman kaya nakakadagdag lamang sa pagsisikip ng trapiko,” ani Inocentes sa pakikipagpulong sa mga “traffic district commanders” ng ahensya.
Nais ni Inocentes na mabawasan ang nasa higit 4,000 pampasaherong bus na nagkakarerahan at nag-aagawan ng pasahero na dahilan rin ng mga aksidente.
Dati nang ipinatupad ng MMDA ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) noong 2004 ngunit binawi rin makaraang umapela kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang mga bus owners at operators.
Sinabi naman ni Organized Bus Route chief, Antonio Pagulayan na mabawasan lamang ng 20% mga bus ang mga kalsada ay malaking luwag na ang idudulot sa mga motorista.
Inutos naman ni Inocentes sa Traffic Operations Center na bawasan ng higit 50% ang mga “VIP (very important persons) na binigyan nila ng exemption sa “number coding”.
Ayon sa batas, tanging mga ambulansya, opisyal na sasakyan ng pulis, military, trak ng bumbero, mga sasakyan ng pamahalaan, diplomatic, at mga may prangkisang school buses lamang ang exempted sa number coding.
- Latest
- Trending