Trike driver itinumba ng kapwa driver
MANILA, Philippines - Patay ang isang tricycle driver makaraang tadtarin ng bala ng kapwa nito driver, kahapon ng umaga sa Pasig City.
Nakilala ang nasawi na si Mariano Serrano, 37, residente ng E. Jacinto St., Brgy. Bambang, ng naturang lungsod. Pinaghahanap naman ngayon ang nakatakas na suspek na nakilala lamang sa pangalang Jojo Ruiz.
Sa ulat ng Pasig police, naganap ang krimen dakong alas-7:30 ng umaga sa tapat ng Pasig Mega Market sa Caruncho Avenue, Brgy. Malinao, ng naturang lungsod. Nabatid na nakaparada ang biktima at naghihintay ng pasahero nang biglang dumating ang suspek lulan rin ng tricycle nito.
Agad na bumaba ang suspect na armado ng baril at walang sabi-sabing pinagbabaril ang hindi na nakapormang si Serrano hanggang sa duguang bumulagta ito nang ubusin sa kanyang katawan ang bala ng kalibre .38 baril.
Mabilis na tumakas ang salarin lulan ng kanyang tricycle kung saan bigo ang pulisya na madakip ito. Blangko pa ang pulisya sa motibo sa isinagawang pagpaslang sa biktima.
- Latest
- Trending