MANILA, Philippines - Malubhang nasugatan ang anim na tauhan ng isang pabrika ng papel makaraan ang pagsabog na sumambulat sa imbakan nito ng kemikal, kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.
Ginagamot sa Manila Central University Hospital sina Oscar Moldes, 35; Elmer Blancha, 44; Lolita Saycon at Mario Abay, pawang mga empleyado ng Globe Paper Mills habang hindi pa nakikilala ang dalawa pang biktima.
Sa ulat ni Malabon police chief, Sr. Supt. Roberto Villanueva, naganap ang pagsabog dakong alas-3 ng madaling-araw sa loob ng Glove Paper Mills compound sa may Governor A. Pascual Avenue sa Brgy. Potrero.
Nagmula ang pagsabog sa limang palapag na planta na nag-iimbak ng mga kemikal na carbon dioxide at nitrogen sa loob ng compound.
Nabatid na nagtatrabaho sa loob ng compound ang anim na sugatang biktima nang maganap ang pagsabog.
Nabatid na halos matupok ang buong planta dahil sa sunog habang naapektuhan rin ng pagsabog ang mga bahay sa katabing Golden Ville Subdivision at planta ng tela na Lucky Blue Corporation.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection at ng lokal na pulisya upang mabatid kung bakit hinarangan ng mga security guard ng compound ang mga bumbero na makapasok kaagad sanhi upang tuluyang matupok ang gusaling pinagmulan ng pagsabog.