20 PNP senior officers pasado sa 10-storey physical fitness test
MANILA, Philippines - Dalawampung (20 ) senior officers ng Philippine National Police (PNP), kabilang ang isang babaeng heneral ang nakapasa sa 10-storey Ascension test na bahagi ng rekisitos upang magkamit ang mga ito ng promosyon.
Ito’y alinsunod sa mahigpit na direktiba ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa na isailalim sa 10-storey Ascencion test ang mga heneral at maging ang mga Colonels na kabilang sa mga contenders sa key position.
Nagsimula ang naturang 10 storey Physical Fitness Test noong Hulyo 6 na isinagawa sa Atlanta Tower sa Greenhills, San Juan City sa ilalim ng mga fitness instructors mula sa Directorate for Human Resource and Doctrine Development at PNP Health Service.
Nalagpasan ni Police Security and Protection Group (PSPG) Director P/Chief Supt. Lina Sarmiento ang pagsusulit.
Kabilang sa mga pumasa sina Director Jaime Milla, Chief Supt. Sonny David at Chief Supt. Arnold Revilla.
Ang mga opisyal na nagnanais na maging Director ng Integrated Police Operations Office ay kailangang makaakyat sa 10 palapag na gusali sa loob ng 2 minuto at 45 segundo.
Dalawang minuto at 30 segundo naman para sa provincial at city directors; dalawang minuto at 15 segundo sa mga commander ng public safety management forces at municipal at city chiefs of police. (Joy Cantos/With trainees Mary Ann Chua/ Mary Joy Mondero)
- Latest
- Trending