Mister ipinapatay ng Misis?
MANILA, Philippines - Namatay ang isang 68-anyos na dating overseas Filipino worker nang ipa-ambush umano ng kaniyang misis sa tatlong lalaki na binayaran diumano ng halagang P30,000, kamakalawa ng hapon sa Sampaloc, Maynila.
Ang biktimang si Lorenzo Mendoza, ng San Bartolome, Novaliches, Quezon City ay isinugod pa sa United Doctor’s Medical Center (UDMC) subalit nabigo siyang maisalba ng mga doktor bunsod ng tama ng bala sa ulo.
Nang madakip naman habang tumatakas ang dalawa sa tatlong suspect na sina Manuel Gorospe, 39, ng Kundiman st., Sampaloc at Roberto Yap, 48, ng Simoun st., Sampaloc, ikinanta nila ang impormasyong nagsasangkot sa maybahay umano ng biktima na nagbayad ng P30,000 upang ipapatay si Mendoza.
Nakatakas naman ang isa pang suspect sakay ng get-away car nang habulin ng mga rumespondeng tauhan ng Manila Police District-station 4.
Sa inisyal na ulat ni PO3 Rommel del Rosario ng MPD-Homicide Section, dakong alas-4:30 ng hapon, Huwebes nang maganap ang insidente sa may panulukan ng Blumentritt st. at Espana Blvd., Sampaloc.
Habang naglalakad umano ang biktima para ibili ng gamot ang asawang si “Clarita” ay biglang nilapitan at pinagbabaril ng isa sa 3 suspect.
Una umanong nakuhang motibo ay hinoldap lamang subalit sa isang programa sa telebisyon, nagsalita sa interview si Roberto Yap na binayaran lamang sila upang ipapatay ang biktima at mismong misis umano ng biktima ang nag-utos.
“Narinig ko si Boyet (Yap) na ginawa lang niya ito para sa kaibigan. Sinunod lang daw niya ang kaibigan niya,” ani Reynaldo Mendoza, nakababatang kapatid ng biktima.
Tinutugis na ang ikatlong suspect habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa kaso.
Aalamin din ng mga imbestigador kung totoo ang sinasabi ng isa sa suspect na binayaran sila ng misis ng biktima para patayin ito.
Ipinatatawag din ng MPD-Homicide Section ang sinasabing misis ng biktima na diumano’y nasa likod ng pagpapapatay.
Ihahain naman ang kasong murder laban sa mga suspect sa Manila Prosecutor’s Office.
- Latest
- Trending