MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang 65-anyos na lola nang masagasaan ng rumaragasang pampasaherong bus, habang inihahatid sa pagpasok sa eskwelahan ang kaniyang 11-anyos na apo, sa Dimasalang St., Sampaloc, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Cresencia Lopez, residente ng no. 1319 Cristobal St., na agad na binawian ng buhay dahil sa matinding pinsalang tinamo sa kaniyang ulo, nang mabangga ng Miyami Bus (PXT-837).
Nabatid na isinalba ng lola ang kaniyang apong si Marlon Caranto, na kamuntik nang mabangga ng nasabing bus. Itinulak niya ito, segundo lamang bago siya mabangga.
Hawak pa umano ng biktima ang bag ng apo, nang nakabulagta na siyang lapitan ng mga nakasaksi, ayon kay PO3 Rizalino Intal ng Manila Police District-Traffic Bureau.
Mabilis na tumakas ang driver nang paharurutin pa ang bus matapos ang insidente habang ang konduktor na si Willy Boy Caylo naman ang inimbestigahan matapos harangin at kuyugin ng taumbayan.
Naganap ang insidente sa panulukan ng Dimasalang at Quiroga Sts., sa Sampaloc, Maynila dakong alas-5:30 ng umaga, kahapon.
Patungo umano sa Sumulong Elementary School ang mag-lola nang tumawid at nabangga ng bus, na noo’y pumi-pick-up pa ng pasahero at nakahinto, subalit biglang humarurot at nabangga ang biktima.
Tumanggi ang konduktor na ibigay ang pangalan ng driver na tumakas dahil hindi umano niya ito kilala at bago pa lamang siya sa trabaho.
Samantala, matinding galit naman ang nadama ng pamilya ng biktima nang may magsabi sa kanila na matapos umanong mabangga ang matanda ay inatrasan pa umano, na mistulang tinuluyang patayin na lamang.
Plano ding isailalim sa trauma therapy ang apo ng biktima na hindi umano matanggap na nasaksihan ang pagkamatay ng lola.