MANILA, Philippines - Tatlong tama ng bala ang tinamo ng isang 48-anyos na negosyante na ikinasawi nito dahil sa iringan sa pagitan ng kapitbahay na nagalit umano sa obstruction na nilikha ng nire-renovate na bahay ng una, kamakalawa ng hapon, sa Tondo, Maynila.
Idineklarang patay alas-7:25 ng gabi, sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Roberto Co, residente ng Pilapil St., Tondo, Maynila.
Ginagamot din sa Metropolitan Medical Center nang tamaan ng bala sa ibaba ng dibdib ang suspect na si Nicholas Marcelino, 64, residente rin sa naturang lugar.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:30 ng hapon ng maganap ang insidente sa harap ng bahay ni Co.
Nakikipag-usap umano si Co sa kanyang anak na si Kyle habang sakay ng kaniyang motorsiklo nang dumaan si Marcelino na noon ay galit na dahil umano sa abala sa daan ang mga gamit sa ginagawang bahay ni Co.
Dahil matagal na umanong may alitan ang dalawa, naging mainit si Marcelino habang nagsasalita umano si Co na pag-usapan na lamang ang ikinagagalit nito.
Sa halip na magkaayos, bumunot ng kalibre .38 baril si Marcelino at binaril si Co at nang bumagsak ay malapitan pang pinaputukan ng dalawang ulit sa katawan.
Kahit bagsak na sa tama ng mga bala, inagaw umano ni Co ang baril ni Marcelino at pinutukan siya sa kanang bahagi, sa ibaba ng dibdib.
Bantay-sarado naman ng mga tauhan ng MPD-Station 2 si Marcelino na ginagamot sa Metropolitan Medical Center, na nakatakdang sam pahan ng kaukulang kaso.