MANILA, Philippines - Isang ginang ang binaril at napatay ng hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng isang motorsiklo habang nakatayo ito sa Pasay City kamakalawa.
Nasawi noon din ang biktimang si Maria Octavo, 40, ng Facundo St., ng nabanggit na siyudad. Nagtamo ito ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Samantala, blanko pa ang pulisya, kung sino ang taong responsable sa pamamaslang sa nabanggit na biktima.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas 3:00 ng hapon sa panulukan ng Facundo at Aurora Sts., ng nabanggit na siyudad.
Nabatid na nakatayo ang ginang sa nabanggit na lugar nang lapitan ng suspek na naka-motorsiklo sabay baril ng malapitan sa biktima na naging dahilan ng agarang kamatayan nito.
Nagtataka ang mga pulis dahil hanggang sa ngayon ay nananahimik ang kaanak ng biktima hinggil sa insidente.