Taas pasahe sa LRT 'di pa tiyak

MANILA, Philippines - Pinawi ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang pangamba ng pub­liko lalo na ang mga mananakay sa kani­lang Line-1 at Line 2 sa napaulat na pagta­taas sa kanilang pasahe na hindi pa umano tiyak.             

Sinabi ni LRTA Administrator Mel Robles na hindi pa sila nakakapag-usap ng mga opisyales ng Department of Finance (DOF) na unang naghayag ng planong pagtataas sa kanilang singil sa tiket.              

Kung sakali man na magtuluy-tuloy, tiniyak ni Robles na idaraan ito sa angkop na “public hearing” upang matiyak na magi­ ging makat­wiran sa kanilang mga pasahero ang itataas sa pasahe para hindi na maka­dagdag sa hirap ng taumbayan.             

Sa ngayon, sapat pa naman ang kinikita ng LRTA para sa kanilang operasyon at main­tenance dahil bukod sa singil sa pa­sahe ay may tinatanggap silang subsidiya buhat sa nasyunal na pamahalaan.             

Plano ng DOF na itaas ang singil ng LRT Line 1 (Baclaran-Balintawak) ng P7 habang itataas naman ng P2 ang singil sa LRT Line 2 (Santolan-Taft Avenue) upang maidagdag sa pantustos sa operasyon ng LRTA at maba­wasan ang ibinibigay nilang subsidiya dito.             

Kung matutuloy at susumahin, mas magi­ging mura pa rin umano ang pasahe sa dala­wang linya ng LRT kaysa sa mga pampasa­herong bus.

Show comments