Taas pasahe sa LRT 'di pa tiyak
MANILA, Philippines - Pinawi ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang pangamba ng publiko lalo na ang mga mananakay sa kanilang Line-1 at Line 2 sa napaulat na pagtataas sa kanilang pasahe na hindi pa umano tiyak.
Sinabi ni LRTA Administrator Mel Robles na hindi pa sila nakakapag-usap ng mga opisyales ng Department of Finance (DOF) na unang naghayag ng planong pagtataas sa kanilang singil sa tiket.
Kung sakali man na magtuluy-tuloy, tiniyak ni Robles na idaraan ito sa angkop na “public hearing” upang matiyak na magi ging makatwiran sa kanilang mga pasahero ang itataas sa pasahe para hindi na makadagdag sa hirap ng taumbayan.
Sa ngayon, sapat pa naman ang kinikita ng LRTA para sa kanilang operasyon at maintenance dahil bukod sa singil sa pasahe ay may tinatanggap silang subsidiya buhat sa nasyunal na pamahalaan.
Plano ng DOF na itaas ang singil ng LRT Line 1 (Baclaran-Balintawak) ng P7 habang itataas naman ng P2 ang singil sa LRT Line 2 (Santolan-Taft Avenue) upang maidagdag sa pantustos sa operasyon ng LRTA at mabawasan ang ibinibigay nilang subsidiya dito.
Kung matutuloy at susumahin, mas magiging mura pa rin umano ang pasahe sa dalawang linya ng LRT kaysa sa mga pampasaherong bus.
- Latest
- Trending