MANILA, Philippines - Nagbabala ang Quezon City Police sa publiko sa panibagong modus operandi ng “Dugo-dugo gang” na kung dati ay personal na kinukuha ng mga ito ang gamit at pera sa katulong para sa kunwaring naaksidenteng amo, ngayon ay sila na ang personal na pumapasok sa bahay ng target para magnakaw sa sandaling umalis ang katulong sa bahay ng amo.
Ito ang nabatid kay SPO2 Rommel Bautista ng Station 10 Quezon City Police District, matapos na malimas ang higit sa P.5 milyong halaga ng alahas ng isang Rocel Agno, 38, sales marketing representative ng Scout Fernandez St. Brgy. Sacred Heart Quezon City ng nasabing grupo.
Ayon kay Bautista, posibleng hindi na kuntento ang grupo sa dinala sa kanila ng nabiktimang katulong kung kaya mismong sila na ang pumapasok sa bahay para masigurong malimas nila ang gamit tulad ng nangyari kay Agno.
Nangyari ang insidente pasado alas-2:00 kamakalawa ng hapon makaraang iwan ni Agno na mag- isa ang kasambahay na si Evelyn Jacinto, 28, sa kanyang bahay.
Ayon kay Jacinto, ilang oras ang nakakalipas ay may tumawag sa telepono at kinausap niya kung saan isang lalake ang nag-uutos sa kanya na pumunta sa Fatima Hospital sa Valenzuela upang makita ang kalagayan ng amo na sinasabing naaksidente noong araw din na yon.
Sinasabing wala namang ipinadala ang suspect sa katulong na anumang gamit, subalit habang papuntang ospital si Jacinto, ay dito na sumalakay ang mga suspect sa bahay ni Agno at sinimulang limasin ang alahas ng biktima.
Nabatid na nakuha ng mga suspect ang alahas sa pamamagitan ng pagsira sa steel cabinet saka mabilis na nagsipagtakas.
Ang pagnanakaw ay nalaman ni Agno ang nasabing krimen nang siya ay dumating sa bahay at nakitang bukas ang steel cabinet at wala ang kasambahay bandang alas-6 ng gabi.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsisiyasat ng QCPD sa nasabing insidente.