Manu-manong bilangan sa Maynila, pinaboran ng Comelec
MANILA, Philippines - Pinaboran ng Commission on Election (Comelec) First Division ang petisyon ni dating Manila Mayor Lito Atienza na magkaroon ng manu-manong bilangan sa mga balota sa naging eleksyon sa Maynila dahil na rin sa ilang naiulat na iregularidad na nagbigay-daan para maging kuwestiyunable ang naging resulta ng local election sa lungsod.
Bunsod nito kaya’t ibinasura ng Comelec ang motion ni Mayor Alfredo Lim na humihiling na ibasura ang petisyon ni Atienza na magkaroon ng manu-manong bilangan dahilan sa kawalan ng merito.
Sa desisyon na ipinalabas kahapon ni Comelec Commissioner Rene Sarmiento ng First Division, sinabi nito na kumpleto ang mga ebidensyang inihain ng kampo ni Atienza at may batayan para isagawa ang manual count.
“Atienza’s protest has substantially complied with Section 7, Rule 6 of Comelec Resolution No. 8804 which requires a protest to contain a detailed specification of the acts or omission complained of showing the electoral frauds, anomalies or irregularities in the protested precincts,” ayon pa kay Sarmiento.
Sa kanyang kautusan, sinabi ni Sarmiento na ang mga alegasyon ng dayaan at iregularidad sa eleksyon sa Maynila noong Mayo 10 na pinatunayan ng mga inihaing ebidensya ay pawang seryoso at nangangailangan ng kasagutan sa pamamagitan ng pagbubukas lamang ng ballot boxes.
Dahil sa gagawing manual count sa Maynila ay iniutos na ng Comelec na i-deliver sa ahensya ang mga ballot boxes na kasalukuyang nakatabi sa Museong Pambata sa Roxas Blvd. upang masimulan na ang recount. Matatandaan na una nang kinuwestiyon ni Atienza ang may 1,441 clustered precincts na ginamit noong May 10 dahil na rin sa mali at hindi tugmang resulta nito sa Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines na siyang ipinadala naman sa City Board of Canvassers.
- Latest
- Trending