MANILA, Philippines - Nalapnos ang katawan ng siyam na katao kabilang ang isang sampung-buwang sanggol makaraang sumabog ang isang liquefied petroleum gas (Superkalan) sa Quezon City kamakalawa.
Isinugod sa East Avenue Medical Center ang magkakapitbahay na biktima na sina Richan Retiro, 30; Juicy Reyes, 41; Jaypee Bansuelo, 12; Jonnabel Bansuelo, 36; Jayson Lloyd Ballera, 11; Wilson Retiro; Erica Retiro, 10; Richard Obella 27; at Richan Retiro Jr., 10 monts old; kapwa residente ng Sitio Belmonte Road, Brgy. Pag-asa sa lungsod.
Ayon sa ulat na nakarating sa Criminal Investigation and Detention Unit ng Quezon City Police District, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng umaga sa bahay ng biktimang si Richan Retiro Sr.
Nabatid sa imbestigasyon na magluluto ng tanghalian ang biktimang si Retiro nang sindihan nito ang Superkalan. Sa ’di malamang kadahilanan, bigla na lamang itong sumabog hanggang sa magdulot ito ng apoy na tumupok sa ibang bahagi ng bahay at ikinasugat ng mga biktima.