Salpukan ng 2 motorsiklo: 3 dedo

MANILA, Philippines - Patay ang tatlo katao matapos magbanggaan ang humaharurot na motorsiklo na kanilang sina­sakyan kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Nasawi noon din ang mga biktimang sina June Erese, 42; at Julius Cleofas, 27, kapwa ng naturang lungsod. Namatay naman habang gina­gamot sa Valenzuela City General Hospital (VCGH) sanhi ng mga tinamong pinsala sa katawan ang isa pang biktima na si Rowy Bautista, 31, kapitbahay ni Cleofas.

Ayon sa ulat ni SPO4 Rodolfo Ladaban, ng Malabon City Traffic Enforcement Unit, naganap ang insidente dakong alas-6:50 ng gabi sa kahabaan ng M.H. del Pilar St., Brgy. Santulan ng nabanggit na siyudad.

Nabatid na kasalukuyang binabagtas ni Erese ang kahabaan ng M.H. del Pilar St. gamit ang kanyang Yamaha Krypton (EI-4459) nang bigla na lamang mag-overtake sa isang truck ang Suzuki motorcycle (1419-TB) na minamaneho naman ni Cleofas. Dahil madilim ang nabanggit na lugar, nagsal­pukan ang nabanggit na dalawang motorsiklo hanggang sa tumilapon ang mga ito ng ilang metro.

Sanhi ng matinding pinsala, binawian ng buhay ang tatlong biktima.

Show comments