MANILA, Philippines - Apat na umano’y notorious na drug pushers ang nalambat ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa magkahiwalay na buy-bust operations sa Maynila.
Sa ulat na natanggap ni PDEA Director General/Senior Undersecretary Dionisio R. Santiago kay Director III Wilkins M. Villanueva, Regional Director ng PDEA Metro Manila Regional Office (MMRO) ang mga suspects ay nakilalang sina Enrique Ramoso, alyas Marlon, 24, ng Tondo, Manila; Rommel Decena, 39, ng Tugatog, Meycauayan, Bulacan; Ricardo Ugalde, 34, security guard at Angel Castillo, 27, construction worker ng Baseco Compound, Tondo, Manila.
Ayon kay Santiago, ang pagdakip sa mga suspects ay bilang tugon sa suporta at tiwala na ibinibigay sa kanila ng Aquino administration na ipagpatuloy ang kampanya laban sa illegal drugs at lahat ng uri ng kriminalidad sa bansa.
Nabatid na sina Ramoso at Decena ay nadakip ganap na ala-1 ng hapon sa may harap ng isang fast food sa isang mall sa Maynila matapos na magbenta ng may 50 gramo ng shabu sa PDEA undercover agent na nagpanggap na poseur-buyer.
Narekober din ng mga operatiba sa operasyon ang drug money mula kina Ramoso at Decena.
Makaraan ang ilang oras ay muling nagsagawa ang MMRO team ng buy-bust operation sa bisinidad ng Andres Soriano St. sa Intramuros, Maynila na nagresulta naman sa pagkakadakip kina Ugalde at Castillo.
Agad namang dinamba ng mga awtoridad ang dalawa sa aktong nagbebenta ng isang kilo ng cocaine na binalutan ng packaging tape sa poseur-buyer.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) in relation to Section 26b (Conspiracy to Sell Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165.