MANILA, Philippines - Isang doktor na may standing warrant of arrest ang hinuli ng mga tauhan ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-ASG) dahil sa umano’y kasong pagnanakaw habang papasakay ng eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 patungong Davao City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni AVSEGROUP P/Supt. Ranier Valones, ang suspect na si Dr. Nestor Arce na inaresto habang papasakay ng Philippine Airlines flight ay may standing warrant of arrest na ipinalabas ni Municipal Trial Court Judge Silverio Mandalupe ng MTC 11, Judicial Region Branch 3 sa Davao noong July 2, 2010 sa umano’y pagnanakaw sa isang pribadong gusali.
Ayon kay Valones, inireklamo si Arce ni Jerry Murao, sinasabing business partner dahil kinuha umano ng doktor ang 16 aircondition, 66 na silya mula sa nursing review center na hindi alam ng huli.
Ayon sa impormasyon may P1.3 milyon pang pera ang hindi umano isinoli ni Arce kay Murao.
Naglagak ng P12,000 piyansa ang abogado ni Arce para sa pansamantalang kalayaan nito.