P10 milyon relo nasamsam ng NBI

MANILA, Philippines - Iba’t ibang uri ng mga pekeng “Ben 10”, “Superman”, “Batman” at “Harry Potter” na relos pambata na nagkakahalaga ng P10.6-milyon ang nasamsam ng mga ahente ng Na­tional Bureau of Investigation (NBI) sa isina­gawang raid sa Quiapo, Maynila.

Sinalakay ang isang bodega at isang sales outlet ng Rosezeny General Merchandise and/or Pulsearch Marketing and/or Jackie Go and/or Jerome Go and/or Lea Go, sa Stall No. 1, Ground Floor, Unit 1, 2nd Floor at ang Unit 6, Sixth Floor, na pawang matatagpuan sa Seahorse Commercial Center, Carriedo Street, Quiapo.

Sa sumbong ng kinatawan ng DC Comics and Warner Bros., inaksyunan ng Intellectual Property Rights Division (IPRD) na pinamu­munuan ni Atty. Dante Bonoan sa pama­magitan ng search warrants na inisyu ni Manila RTC Judge Antonio Eugenio, noong Huwebes.

Umabot sa 15,132 piraso ng assorted na relos na kinabibilangan ng mga nabanggit na produkto ang tatlong establisimyento.

Nahaharap na sa mga kasong Trademark Infringement and Unfair Competition sa ilalim ng Intellectual Property Code of the Philippines (Republic Act 8293.) ang mga may-ari ng establisimyento.

Show comments