5 suspect sa chop-chop na motor timbog ng QCPD

MANILA, Philippines - Nasakote ng pinagsanib na puwersa ng Quezon City Police District-Anti-Carnap­ping Section (QCPD-ANCAR) at Marikina Police sa isina­gawang follow-up operation ang limang pinaghihinalaang mga suspect na sangkot sa serye ng nakawan ng mga motorsiklo sa Quezon City.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan nina QCPD di­rector Chief Superintendent Benjardi Mantele at Chief Inspector Rodelio Marcelo, hepe ng QCPD-ANCAR, na­kilala ang mga suspect na sina Niño Angelo Bardon, Manuel Arogate, Jetro Bron­dial, Michael Sayo at Alex Suarez.

Nag-ugat ang pag-aresto nang humingi ng tulong sa pulisya si Jericho Aguilar Mer­chandesh, 23; at residente ng Canero Sub­division Deparo, Novali­ches, QC noong Hunyo 24 matapos mawala ang itim na Yamaha MIO Sporty na motorsiklo nito habang naka­parada sa ka­ha­baan ng Tandang Sora, Quezon City.

Sa isang follow-up investi­gation ng awtoridad, napag-alaman na ang nasabing motorsiklo ay naibenta na di-umano ng isang Jayson at Bardon sa Dahlia St., West Fairview, Quezon City.

Dahil dito, agad na kinasa ng mga operatiba ng QCPD-ANCAR ang isang operation kung saan nagpanggap na buyer ang mga pulis na nag­resulta naman sa pagkadakip kay Bardon sa West Fairview.

Itinuro naman ni Bardon ang mga kasamahan nitong sina Sayo at Arogate na na­sakote rin sa Proj. 6, QC.

Nakuha sa dalawa ang isang “picklocks” na hinihi­nalang ginagamit ng mga ito sa pagnanakaw ng mga mo­torsiklo. Nabatid din na ang hinahanap na motorsiklo ay naibenta na ng dalawa.

Sa operasyon na ginawa ng QCPD sa Marikina City ka­sama ang Marikina Police, nahuli sina Brondial at Suarez na parehong mekaniko at nakuha sa kanila ang na­sabing motorsiklo na chop- chop na ang bawat bahagi at hinihinalang ibebenta na ang mga spare parts.

Sinampahan naman ng kaukulang mga kaso ang na­sabing mga suspect na nasa pangangalaga na ngayon ng pulisya.

Show comments