MANILA, Philippines - Umaabot sa 10 mga wang wang ang nakumpiska ng mga elemento ng Land Transportation Office (LTO) sa pagratsada ng Oplan wang-wang sa serye ng operasyon sa Metro Manila laban sa mga motoristang hindi otorisadong gumamit ng naturang gadget ng sasakyan.
Ang hakbang ay ginawa matapos buuin ni LTO Chief Alberto Suansing ang Oplan wang wang bilang pagtalima naman nito sa pahayag ni Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang inaugural speech na walang wang-wang, counterflow at kotong sa ilalim ng kanyang pamumuno sa gobyerno.
Binigyang diin ni Suansing na maging ang mga opisyal ng gobyer no ay hindi rin maaaring gumamit ng wang-wang tulad ng mga senador, kongresista, local chief executives.
Batay anya sa Presidential Decree 96, hindi exempted sa batas ang mga nabanggit maging ang bise presidente ng bansa.
Maaaring makulong ng hanggang sa anim na taon ang sinumang lalabag sa naturang batas at makakansela ang rehistro ng ginamit na sasakyan.