MANILA, Philippines - Nagbuwis ng buhay ang isang kagawad ng Quezon City Police makaraang pagbabarilin ng hindi nakikilalang mga salarin habang rumeresponde sa insidente ng robbery/holdup sa lungsod kahapon ng madaling-araw .
Ang biktima ay kinilalang si SPO1 Arturo Jacildo Ortiz, 53, may-asawa at nakadestino sa Batasan Police Station 6, Quezon City Police Department, ng Brgy. Payatas B sa lungsod.
Patuloy naman ang pagsisiyasat ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police upang matukoy at mapanagot sa batas ang mga salarin.
Ayon sa pagsisiyasat nina PO2 Jose Roland Belgica at PO2 Loreto Tigno ng CIDU, nangyari ang insidente sa may harap ng Commonwealth Plaza, Commonwealth Avenue, Barangay Commonwealth, ganap na alas 3 ng madaling-araw.
Kasalukuyang nagpapatrulya ang biktima kasama si PO3 Jayson Divina sakay ng isang multicab (SR-15) at nagpapagkarga ng gasolina nang lapitan sila ng ilang concerned citizen at sinabihan silang may dalawang lalaki na sangkot sa holdapan sa lugar.
Mabilis namang nagresponde ang dalawang pulis na namataan ang dalawang suspect habang tumatakbo sa pagtakas.
Dahil dito, agad na bumaba ang dalawang pulis sa kanilang sasakyan para habulin ang mga suspect.
Ayon kay Divina, ilang saglit pa biglang umalingawngaw ang mga putok ng baril at paglingon niya sa likuran ay nakita na lang niya si Ortiz na nakabulagta at may tama ng bala sa ulo.
Ang biktima ay binawian ng buhay dakong alas-5:26 ng madaling-araw sa Far Eastern University Hospital.
Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng bala ng cal. 45 pistol. With trainee Jastine Angelo Don.