Konseho, pinayuhan ni Lim
MANILA, Philippines - Pinayuhan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang mga bagong halal na konsehal ng Maynila sa pagbubukas ng 8th City Council ng Lungsod kahapon sa session hall ng Manila City Hall.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Lim na dapat na gawing gabay sa kanilang panunungkulan ang inaugural speech ni Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.
Matapos ang panunumpa ng konseho sa pangunguna ni Manila Vice Mayor Isko Moreno, sinabi ni Lim na dapat magsilbing hamon sa bagong city council ang mandato na ibinigay sa kanila para mapaglingkuran nila ng maayos ang kanilang nasasakupan.
Sinamantala na din ng alkalde ang pagkakataon para himukin ang mga konsehal na tapusin na ang mga naganap na siraan at pamumulitika noong nakalipas na halalan.
Ayon sa alkalde mas makabubuti kung pagbubutihin na lamang ng konsehal ang kanilang mga trabaho, dahil hindi naman umano niya pinakikialaman ang trabaho ng konseho at tiyakin na hindi sila masisita ng Commission on Audit (COA).
Kabilang sa mga bagong miyembro ng Manila City Council ay sina Niño dela Cruz, Irma Alfonso-Yuson, Ernix Dionisio, Dennis Alcoreza, Bobby Lim at Erick Ian Nieva (1st district); Marlon Lacson, Uno Lim, Rodolfo Lacsamana, Ruben Buenaventura, Ramon Robles at Edward Tan (2nd district); Bernardito Ang, Joel Chua, Ernesto Isip, Jr., Ramon Morales at Re Fugoso (3rd district); Ma. Sheilah Lacuna-Pangan, Louie Chua, Jocelyn Quintos, DJ Bagatsing, Edward V.P. Maceda at Atty. Eduardo Quintos XVI (4th district); Richard Ibay, Josefina Siscar, Cora Gernale, Cristina Isip at Raymundo Yupangco (5th district) at Joy Dawis, Dennis Lacuna, Jr., Beth Rivera at Luciano Veloso (6th district).
- Latest
- Trending