MANILA, Philippines - Nakatakda nang ipatupad sa susunod na linggo ang balasahan sa mga station commanders ng Manila Police District at maging sa Manila City Hall.
Ito ang nabatid kahapon kay Ric de Guzman, chief of staff ni Manila Mayor Alfredo Lim, kung saan hinihintay na lamang ang ipadadalang performance evaluation ng mga opisyal mula sa tanggapan ni MPD Director Chief Supt. Rodolfo Magtibay.
Kasabay nito, nabatid na muling ibabalik sa Manila City Hall ang tanggapan ng District Special Project Unit ng MPD na pinamumunuan ni Chief Insp. Marcelo Reyes.
Ang nabanggit na tanggapan ang nagsisilbing “police arms” ng alkalde na siyang nangangasiwa sa pagtugon sa mga reklamo ng mamamayan. Irerekomenda si Sr. Supt. Alex Guttierez, na kasalukuyang D-4 sa MPD na papalit kay Magtibay.
Tiniyak ni de Guzman, na maraming station commanders ang masasama sa re-shuffle, pagkatapos na maisumite ang mga accomplishment report ng mga station commanders.
Bukod dito, magsasagawa din ng re-shuffle sa hanay ng mga opisyal sa city hall upang mas maging epektibo ang pagbibigay ng serbisyo sa Manilenyo.
Ayon sa isang opisyal ng city hall, maraming nakapuwesto ang hindi naman epektibo at hindi tumutugon sa reklamo ng publiko.
Aniya, dapat na aksiyunan ng bawat opisyal ang reklamong inihaharap sa kanyang tanggapan lalo pa’t itinalaga siya ni Lim dahil na rin sa tiwala at kapasidad.