Robbery sa Binondo, inside job
MANILA, Philippines - Dinakip ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 11 ang isang empleyado ng Savory Restaurant na sinasabing kasabwat at nagsilbing ‘tipster’ sa naganap na bigong holdapan sa P.5 milyong idedeposito ng isang mensahero, sa Binondo, Maynila noong Lunes.
Nakapiit na ang suspect na si Ronaldo Gomez, empleyado sa Savory Restaurant, at residente ng #1344 R.A Reyes St., Tondo, Maynila nang ikanta ito ng una nang naarestong suspect na si Laryon Milan, 29.
Pinaghahanap pa ang mastermind at nagplano sa naganap na panghoholdap na si Mario Milan, ng nasabi ding address at tiyuhin ng naarestong si Laryon.
Sa ulat ni P/Supt. Rogelio “Jojo” Rosales, hepe ng MPD-Station 11, dakong alas-12:30 ng tanghali ng maaresto ng Anti-Crime Unit sa pangunguna ni PO2 Aldoner Larion si Gomez sa harapan ng Savory restaurant na matatagpuan sa kanto ng Quintin Paredes at Escolta Sts., Binondo.
Una nang nagpakitang gilas ang isang PO2 Jomel Caronan Police Parañaque nang mabaril nito ang isa sa tatlong holdaper nang maaktuhang hinoholdap ang messenger ng nasabing restaurant na si Santiago Dangan, 50, habang dala ang nasabing halaga na idedeposito sa PBCom branch sa Plaza Cervantes, Binondo.
Nasugatan si Noel Garaes sa hita habang nakatakas naman si Marlon Jimenez nang paharurutin ang kaniyang motorsiklo bago pa rumesponde ang mga tauhan ng MPD-Station 11 Motorized Anti-Street Crime Operatives (MASCO).
- Latest
- Trending