MANILA, Philippines - Nasawi ang isang 28-anyos na lalaki makaraang pagsasaksakin ng mga hindi nakilalang holdaper, kahapon ng madaling-araw sa Makati City.
Tatlong oras pang nakipaglaban sa kamatayan bago tuluyang nalagutan ng hininga sa loob ng Ospital ng Makati ang biktimang si Perfecto Calog, ng #79-G Urduja St. Brgy. West Rembo, ng naturang lungsod.
Sa imbestigasyon ng Makati police, naganap ang krimen dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa JP Rizal Street, Makati.
Naglalakad pauwi ang biktima nang harangin ng mga salarin.
Posible umanong pumalag ang biktima na ibigay ang kanyang suweldo sa mga suspect sanhi upang pagsasaksakin ito.
Nakatakbo pa at nakahingi ng tulong sa kanyang tiyahin ang biktima na siyang nagsugod din sa kanya sa pagamutan subalit binawian din ng buhay dakong alas-4 ng madaling-araw.