MANILA, Philippines - Kalaboso ang isang 40-anyos na lalaki matapos ituro na nagbebenta ng isang antique at nakaw na imahe ng santo mula sa isang chapel sa Makati City sa isinagawang operasyon ng pulisya kamakalawa ng gabi sa Sta. Mesa, Maynila.
Bukod sa imahe ng Jesus Christ, tatlo pang antique na estatwa ng santo ang narekober mula sa arestadong si Elmerado Peredo, ng 3587 Lubiran St. Sta. Mesa, Maynila bunsod na rin sa reklamo ni Pedro Palomares ng 3671 Batas St., Bacood, Sta. Mesa.
Ayon sa pulisya, kaduda-duda umano ang pagbebenta ni Peredo ng santo kay Palomares sa halagang P20,000 na naging daan upang isagawa ang operasyon ng MPD-Station 8, dakong alas-8:00 ng gabi.
Agad namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya at nadiskubre ang nasabing santo na ninakaw sa San Fabian Chapel sa Makati City noong Hunyo 27, 2010.
Napag-alaman na ang tatlo pang imahe ng santo ay ninakaw naman ng suspect sa St. Anthony De Padua, San Roque at Saint Joseph chapels.
Inihahanda na ang kasong Anti-Fencing laban sa suspect matapos mabatid na ang suspect ang bumili ng mga ninakaw na mga imahe ng Santo.