Nagpa-5-6: Trader inambus
MANILA, Philippines - Patay ang isang negosyanteng babae, matapos na barilin ng hindi pa nakikilalang lalaki habang nakatayo sa harap ng kanyang bahay sa Port Area, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Maria Thereza Teeric, 49, ng Block 9 Baseco, Port Area, Maynila sanhi ng tama ng bala sa ulo.
Sa ulat ni Det. Joseph Kabigting ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-9:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa harap ng bahay ng biktima.
Katatapos lamang kumain ng biktima nang maisipan nito na maningil ng pautang kasama ang kaibigang nakilala lamang sa pangalang Virgie.
Bigla na lamang dumating ang suspect at walang sabi-sabing binaril sa ulo ang biktima.
Ayon kay Kabigting, bago naganap ang insidente ay palagi umanong binabantaan ni Robert Manrique, live-in partner ng kanyang anak na si Anabelle ang biktima.
Dalawang anggulo ang tinitignan ng pulisya kabilang ang pagpapautang ng biktima at ang banta ng kanyang manugang.
- Latest
- Trending