MANILA, Philippines - Isang tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng isang retiradong bank employee makaraang magbaril sa sarili kamakalawa sa Quezon City.
Ayon sa ulat ni PO3 Manuelito Juanson, ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police District, si Eduardo Yu, 63, may-asawa ng Block 43, Lot 5, King Henry St., Kingspoint Subdivision, Brgy Bagbag, Novaliches Quezon City ay nadiskubreng wala ng buhay na nakahandusay at naliligo sa sarili nitong dugo ng kanyang asawang si Lulu Yu sa loob ng kanilang comfort room ganap na alas 11:35 ng gabi.
Sinabi ni Lulu na bago ang insidente, natutulog na silang mag-asawa nang bigla siyang maalimpungatan nang bumangon ang biktima. Nagtungo ang biktima sa kanilang CR na nasa ground floor ng bahay.
Ilang minuto ang nakalipas ay nakarinig na lamang si Lulu ng putok ng baril mula dito kung kaya’t agad naman niyang tinungo.
Nakita niyang nakahandusay at naliligo sa kanyang sariling dugo ang biktima na may tama ng bala ng baril sa ulo.
Sinabi naman ng pulisya na nagsasagawa pa rin sila ng imbestigasyon upang matukoy kung may foul play sa insidente.