Testigo, complainant sa Dacer-Corbito case nangangamba kay Pnoy
MANILA, Philippines - Nangangamba ang abogado ng testigo at pamilya ng pinaslang na PR man na si Salvador “Bubby” Dacer na umiral din ang “weder-weder” na hustisya sa Pilipinas sa pag-upo ni President-elect Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III, sa kabila ng naunang pahayag nito na hindi niya pakikialaman ang kaso ni Senator Panfilo Lacson.
Sa ginanap na pulong balitaan sa Tinapayan sa Dapitan, sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni dating P/Supt. Cesar Mancao, akusado na naging testigo sa Dacer-Corbito case na nangangamba siya na magkaroon ng whitewash sa pagdinig ng kaso ni Lacson dahil sa teknikalidad.
Ayon kay Topacio, huwag naman sanang mangyari na dahil lamang sa terminology na sa halip na 2 counts of murder ay naging double murder na naisampa kay Lacson ay maabsuwelto ang senador sa kaso.
Nabatid na naghain ng motion for re-investigation ang kampo ni Lacson sa korte, para muling maibalik sa Department of Justice (DOJ) ang kaso.
Sinabi ni Topacio,na ang kaso ni Lacson ang kauna-unahang kaso na magsisilbing “acid test” sa papasok na administrasyong Aquino.
Sakali umanong mangyari ang kanilang pinangangambahan, posibleng tuluyan nang masira ang justice system sa bansa at wala nang magiging pagkakaiba ang Aquino administration sa Arroyo administration.
Giit ni Topacio, alam ng lahat na tumulong ang makinarya ni Lacson para manalo si Aquino sa nakalipas na halalan, bukod pa sa pagiging malapit kay Lacson ng nobya ni Aquino na si Valenzuela Councilor Shalani Soledad.
Ayon kay Topacio,dapat na bumalik na sa bansa si Lacson at isumite ang kanyang sarili sa korte.
Samantala, ipinahayag naman ni Dante Jimenez, Presidente ng Volunteers Against Crime and Corruption(VACC),na nanawagan ang pamilya ni Dacer kay Lacson na bumalik na sa bansa, isuko ang kanyang sarili sa korte at harapin ang kasong isinampa laban sa kanya.
- Latest
- Trending