MANILA, Philippines - Nagpahayag ng pangamba ang mga magulang at mga estudyante ng Yangco Elementary School sa panulukan ng Dandan at Franco Sts. sa Pritil, Maynila sa posibleng disgrasya na idudulot ng patuloy na pagtagas ng tubig mula sa isang water tank na nakalagay sa taas ng nasabing paaralan at magresulta ng pagguho nito.
Ito ay matapos na walang kaukulang aksiyon na ginawa ang tanggapan ni Manila City Engineer Armand Andres sa pormal letter na inihain ni Dr. Rosalinda Torres Taunan, punong guro ng naturang paaralan.
Ayon kay Taunan, walang ginagawang aksiyon si Andres sa kabila ng ilang verbal complaint at inspection ng tanggapan ni City Administrator Jesus Marzan. Bukod pa ito sa kanyang formal letter na may petsang Hunyo 15 kay Andres para idulog ang suliranin sa tumatagas na water tank na nakapatong lamang umano sa flooring sa ibabaw ng ikatlong gusali ng paaralan.
Nabatid na ang leak mula sa water tank ay tumatagas sa mga pader na sinasabing dahilan ng faulty electrical wiring at kawalang ng electrical power sa 3rd floor at library ng paaralan.
Giit pa ni Taunan, sa patuloy na pagtagas ng tubig, maging dahilan din ito ng pagbagsak o pagguho ng paaralan sakaling lumindol ng malakas tulad na rin ng babala ng National Disaster Coordinating Council at Philvocs na posibleng mangyari sa Metro Manila.
Sinabi ni Taunan na nangangailangan ng agarang aksiyon ang kanilang paaralan upang maiwasan ang anumang pagsisisi.