Raket sa PLM pinasisilip ni Lim
MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni Manila Mayor Alfredo Lim kay Secretary to the Mayor Rafaelito Garayblas, ang umano’y raket sa pagpapasok ng estudyante sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) para makapag-aral.
Ang aksiyon ni Lim ay kasunod ng paghingi ng tulong ng ina ng isang estudyante na si Analyn, 16, kay Garayblas na isang “Boy Mendoza” na tauhan umano ng isang konsehal ng Maynila ang nag-aalok ng serbisyo para makapasok ang estudyanteng lumagpak sa examination.
Sa reklamo ng biktima, tiniyak umano ni Mendoza, na makakapasok si Analyn at kaibigan nito sa PLM.
Nakumbinsi naman ang dalawang estudyante dahil nakita nilang labas-pasok si Men doza sa opisina ng konsehal. Dito ay pinangakuan ni Mendoza ang dalawang estudyante na makakapag-enroll sa PLM kapalit ng P3,000.
Ipinasiya ng dalawang biktima na hingin ang tulong ni Garayblas, matapos na walang mangyari sa pangako ni Mendoza at hindi sila napag-enroll sa naturang paaralan.
Samantala, nagbigay naman ng babala si Garayblas sa mga magulang at estudyante na huwag maniwala sa ganitong raket para makapasok sa PLM.
- Latest
- Trending