Dengue Task Force, binuo sa Quezon City
MANILA, Philippines - Iniutos ni Quezon City Mayor Feliciano “SB” Belmonte Jr. ang pagbuo ng city health department ng dengue task force sa mga paaralan at barangay sa lungsod upang maaga pa lamang ay may kaukulang hakbang na ang lokal na pamahalaan para masawata ang posibleng pagsibol ng sakit na dengue ngayong tag-ulan.
Sinabi ni Belmonte na mahalagang makagawa agad ng kaukulang precautionary measures ang QC sa posibleng pagsulpot ng sakit na palagiang lumilitaw tuwing buwan ng Hulyo at Agosto.
Pinangunahan ni Mayor Belmonte ang panunumpa sa tungkulin ng mga miyembro ng task force sa ginawang paglulunsad ng FOURmula (4-S) Kontra Dengue program sa Barangay Tatalon na may malaking pakikiisa sa environmental clean-up drives sa lungsod para maibsan ang pagkalat ng sakit na dengue.
Ang FOURmula o 4-S ay may kahulugang search and destroy, self-protection measures, seek early consultations at say no to indiscriminate fogging.
Sa utos ni SB, ang city health department ay patuloy na magsasagawa ng malawakang information dissemination campaign upang higit na mabigyan ng kaalaman ang mga taga- lungsod kung paano maiiwasan ang pagsulpot ng lamok -araw na may dalang sakit na dengue tulad ng pagiging malinis ng paligid at pag aalis ng mga bagay na maaaring pagbahayan ng lamok-araw tulad ng mga bote, lata, sirang gulong, indoor plants at iba pa.
Sa unang 6 na buwan ng 2010, ang epidemiology at surveillance unit ng city health department ay nakapagtala na ng 549 dengue cases na may 4 na kaso ng namatay o mas mababa ito kaysa sa nagdaang taon na may 16 na ang nasawi sa kaparehong period ng 2009.
- Latest
- Trending