MANILA, Philippines - Patay ang isang bagitong pulis nang maaksidente sakay ng motorsiklo habang paresponde sa isang krimen, kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City.
Nalagutan sa hininga habang inooperahan sa Las Piñas Medical Center si PO1 Louie Laxina, nakatalaga sa Police Community Precinct 6 ng Las Piñas City Police.
Ayon kay Chief Inspector Bernaquiad Abalos, commander ng PCP-6 ng Las Piñas Police, nirespondehan ni Laxina ang natanggap nilang impormasyon dakong alas-3:15 ng madaling- araw hinggil sa nagaganap na nakawan sa Grandeur Marcos Alvarez sakay ng kanyang motorsiklo.
Mabilis umanong tinatahak ng biktima ang kahabaan ng Marcos Alvarez Avenue sa Brgy. Talon 5 nang mawalan ito ng kontrol sa madulas na daan at tuluyang sumalpok sa konkretong poste malapit sa Metrocor Town Homes.
Mabilis namang tinulungan ng security guard ng subdibisyon na si Rolando Vega, Jr. ang pulis at isinugod sa pinakamalapit na pagamutan. Dakong alas-6 ng umaga nang ideklara ng mga manggagamot ang pagkamatay ni Laxina sanhi ng mga tinamong pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Tiniyak naman ni Abalos na tutulungan niya ang naiwang pamilya ni Laxina na mapabilis ang pagkuha ng mga nararapat na benepisyong tatanggapin ng isang alagad ng batas na nasawi sa pagtupad sa tawag ng tungkulin.