MANILA, Philippines - Sa harap pa mismo ng anak na babae winakasan ng isang retiradong sundalo ang kanyang sariling buhay nang magbaril sa ulo, kamakalawa ng hapon sa Muntinlupa City.
Nalagutan ng hininga habang pilit na isinasalba ng mga manggagamot sa loob ng Ospital ng Muntinlupa ang biktimang nakilalang si Isidro Tagum, 70, residente ng Rizal St., Brgy. Poblacion, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-5:20 ng hapon sa loob ng silid ng biktima. Ayon sa anak ng nasawi na si Ma. Nina Tagum, 27, nanonood siya ng telebisyon nang marinig niya na may nagkasa ng baril sa loob ng kuwarto ng ama.
Agad naman niya itong tinungo kung saan naabutan pa niya ang ama na nakasakay sa kanyang “wheelchair” at nakatutok sa sentido ang baril. Hindi na niya umano ito naawat nang agad na kalabitin ng biktima ang gatilyo.
Mabilis na humingi ng tulong sa kapitbahay si Ma. Nina at agad na naisugod sa pagamutan ang biktima kung saan nalagutan ito ng hininga habang isinasailalim sa operasyon.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag sa pulisya ang dalaga kung ano ang posibleng dahilan ng pagpapakamatay ng ama bagama’t may hinala ang mga imbestigador na posibleng hindi na matagalan ng matanda ang pagkakaroon ng karamdaman.