MANILA, Philippines - Isang dating pulis na nakatalaga sa Manila Police District-Station 5 ang isa sa itinuturong holdaper na pumatay sa messenger ng isang money changer na inagawan ng P1.5 milyon matapos mag-withdraw sa isang mataong lugar, sa panulukan ng Mabini at Pedro Gil. Sts., Ermita, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Matapos barilin ay isinugod sa Medical Center Manila ang biktimang si Omar Hassan, messenger ng Lady Diamond Money Changer at residente ng Padre Faura St., Ermita, Manila subalit idineklarang dead-on-arrival.
Ayon kay Sakit Ibrahim, saksi at driver ng nasabing money changer ang positibong kumilala sa isa sa suspect na bumaril at kumuha ng salapi nang ipakita sa kanya ang photo gallery sa MPD headquarters.
Kinilala ni C/Insp Erwin Margarejo ang dating pulis na hinihinalang mastermind sa holdapan na si PO2 Gaudencio Patek.
Si Patek, batay sa beripikasyon ay may nakabinbing warrant of arrest sa kasong kidnapping at homicide sa Branch 219 ng Quezon City Regional Trial Court.
Kabilang din umano si Patek sa talaan ng PNP most wanted kidnapper na may patong sa ulo na P275,000.
Sa ulat ni Det. Jonathan Bautista ng MPD-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng hapon, sa tapat ng Hyatt Hotel sa P. Gil at Mabini sts.
Galing umano sa pagwi-withdraw ang mga biktima lulan ng Nissan Patrol (THL 906) na kulay pula, at habang ipinaparada ang kotse sa harapan ng Hyatt Hotel upang ihatid ang pera sa Lady Diamond Money Changer nang lapitan ng mga suspect na armado ng baril at nagdeklara ng holdap.
Sa pagkataranta ng biktimang si Hassan ay lumabas ito ng sasakyan at nagtatakbo sa direksiyon ng Hyatt Hotel upang humingi ng saklolo subalit sinundan siya ng isa sa suspect at pinagbabaril sa likurang bahagi ng kanyang katawan.
Pagbagsak ng biktima, sumunod naman ang isa pang suspect at kinuha ang isang kulay itim na knap sack na hawak ni Hassan kung saan nakasilid ang P1.5 milyon.
Bago tumakas ang mga suspect ay pinaputukan muna ang gulong ng nasabing sasakyan saka sumakay ng kanilang get away motorcycle at tumakas sa direksiyon ng Pedro Gil St.