MANILA, Philippines - Sinampahan ng class suit sa Quezon City Prosecutor’s Office sina Department of Education Secretary Mona Valisno at Undersecretary Ramon Bacani ng mga magulang at mga pro-life members kaugnay ng pagsasama ng ahensiya sa curriculum ng mga mag aaral ang sex education.
Ang kaso ay sinampa sa pangunguna nina Atty. Jo Imbong at James Imbong ng Pro Life group na humihiling sa korte na maipatigil nito ang pagtuturo ng sex education sa mga paaralan.
Anila, nagulat sila nang ang pattern sa western module hinggil sa population control at family planning ay mula sa module ng Estados Unidos at ito ang isinama sa subject na Math, Science, English, Health Education at livelihood gayundin sa Araling Panlipunan na may malaking psychological effect sa mga mag-aaral.
Idinagdag pa nila na ang bagay na ito ay labag sa primary rights ng mga magulang sa pagtuturo at paghubog sa moralidad at karakter ng kanilang mga anak.
Mas mainam anilang wag na lamang isama ang sex education sa curriculum ng mga mag-aaral dahil ito ay hindi na kailangang maipaliwanag sa mga kabataang estudyante dahil sa murang isip ng mga ito.
Sa ngayon, mula grade 5 hanggang grade 6 at high school sa private at public schools ay kasama sa kanilang kurikulum ang tungkol sa sex education.
Samantala, dahil nasa korte na umano ang usapin sa pagpapatupad ng DepEd sa sex education, iginiit kahapon ni Senator Francis “Chiz” Escudero na dapat na lamang hintayin kung ano ang magiging desisyon tungkol sa nasabing isyu.
Bagaman at hindi pabor si Escudero sa naging hakbang ng mga petitioners na dalhin pa sa korte ang usapin, karapatan naman aniya ng lahat na kuwestiyonin ang sa tingin nila ay maling polisiya ng gobyerno.
Naniniwala si Escudero na may pangangailangan upang bigyan ng tamang edukasyon tungkol sa sex ang mga kabataan bagaman at marami ang tutol dito kabilang na ang Simbahan. (Dagdag ulat ni Malou Escudero)